AWIT NG BUHAY
Ang buhay ng tao, ay sadyang matalinhaga
Tulad ng isang awit, na may simula
Mayroon itong titik, mayroon ding himig
Sa labi ng tao, namumutawi ang tinig
Sa pagpilas, ng mga dahon ng panahon
Ating natunghayan, isang awit ng buhay
Dito sa ating pansamantalang daigdigan
Sari-saring tinig, ang ating narinig
Hindi huni, kundi hiyaw ng baliw, ang naging himig
Tinig na galing sa burak, ang pinangibabaw
Nalimutan ang damdamin ng kapwa, sa kasakiman
Isang pera ang halaga, ng tinig ng mga umalipusta
Isang salapi ang katumbas, sa dinulot na pagdurusa
Nahan ngayon, ang mga mapag-balatkayong kaibigan
Sa labi ninyo nanggaling, ang kinahantungang kasawian
Itinanghal na tala, sa pag-awit dito sa ating munting mundo
Nawalan ng salapi, nawalan ng pitagan...
Nadungisan, ang nakamtang karangalan
Malungkot ang katapusan, nitong awit ng buhay
Sa halip na magwagi, kasawian ang nakamtan
Manapa'y maging aral, sa bawat sanlibutan
Itikom ang mga labi, pagkatao ang siyang pahalagahan
1 Comments:
awit sa buhay ay parang isang tulay, ang pagkakaiba'y may himig na may dalang lumbay pero iisa ang hangarin na maging tagumpay.
sa bawat landas na ating dinadaan, may mga tinik na naapakan, may mga nadadala na lang sa sobrang kalungkutan, meron ding lumalaban, meron ding hindi marunong magtanggal ng tinik sa talampakan, at yun ay hinahayaan na lang.
Ang iyong "Awit ng Buhay" ay punong puno ng aral. Maraming salamat sa iyong papugay, makata
Post a Comment
<< Home